77 Pulis Maynila, nagpositibo sa Covid-19
Umabot na sa 77 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga Pulis Maynila.
Ayon kay Manila Police District Chief Police Brig. Gen. Leo Francisco, karamihan sa mga nagpositibong pulis ay sa Station 11 sa Binondo na umabot sa 59.
Hanggang ngayon ay naka-lockdown pa rin ang MPD station 11.
Pero may isa hanggang dalawang pulis aniya ang itinalaga para magbantay.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang ilan sa mga pulis mula sa MPD station 11 na nagpositibo sa virus ay nasa Delpan Quarantine facility kung saan sila nagpapagaling.
Tiniyak naman ni Moreno na nagsasagawa ng contact tracing sa nakasalamuha ng mga nasabing pulis.
Ang mga natutukoy na close contact ay isinasailalim sa swab test.
Maging mga pulis na nakitaan ng sintomas ng virus agad din umanong isinasailalim sa swab testing.
Tiniyak naman ni Francisco ang regular na disinfection sa mga istasyon ng pulisya sa Lungsod.
Madz Moratillo