Voter Registration hours ng Comelec, iniksian
Simula sa Lunes, March 22, magiging alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon na lamang ang pagpaparehistro ng mga botante sa lahat ng tanggapan ng Commission on Elections sa buong bansa.
Ito ay hanggang sa April 4, 2021.
Sa isang pahayag, sinabi ng Comelec na maliban sa pinaiksing oras ay suspendido na muna ang Satellite Registration sa mga Barangay Hall, Daycare centers, Covered courts at iba pang satellite offices hangga’t wala pang ipinalalabas na abiso.
Nauna nang inanunsyo ng Comelec na ang Voter registration hours ay mula Lunes hanggang Biyernes kasama ang mga holiday, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Muling nagpaalala ang poll body na mahigpit nilang ipatutupad ang pagsusuot ng face mask at shield at upang mabawasan ang physical contact ay hinihikayat ang publiko na magpa-schedule ng appointment sa irehistro.comelec.gov.ph.
Mananatiling ang araw ng Biyernes ay para sa disinfection ng kanilang mga tanggapan kaya sarado ang mga Comelec office.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, ang pagbabago ay dahil sa biglaang paglobo ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa at alinsunod na rin sa Memorandum Circular No. 85, s. 2021 ng Office of the President.