Ilang pasahero, dagsa na sa North Port Terminal sa Maynila
Ilang kababayan natin ang nagdagsaan sa North Port Terminal sa Maynila na nais na lamang umuwi sa kanilang probinsya.
Kasunod ito ng paghihigpit sa umiiral na restriction ngayon dahil sa paglobo ng Covid-19 cases sa bansa.
Ito ay dahil sa takot umanong abutan sila ng lockdown gaya ng nangyari noong nakaraang taon.
Gaya ni Al Ameer Najilon, security guard sa isang hotel sa Maynila, gusto na lang aniya niyang umuwi sa Zamboanga muna dahil hindi naman na masyadong mahigpit roon ngayon.
Si Jeck Espanola naman na kasama ang buntis na misis galing pa ng Isabela, Quezon province at lumuwas noon pang nakaraang linggo dahil Marso 18 dapat ang byahe nila pauwi sa Bacolod.
Pero ang problema nausog ng nausog ang kanilang byahe na ngayon ay Marso 25 na.
Ganito rin ang problema ng ni Wahab Abduljabar Jalil at kanyang mga kasamang kamag anak dahil nausog rin sa Marso 25 ang kanilang biyahe pauwi sa Basilan at Zamboanga.
Hindi naman aniya sila makabalik sa inupahang bahay dahil naiturn over na nila ito sa may-ari.
Apila nila sana ay mapapasok man lang umano sila sa loob ng terminal para mas maayos naman ang kanilang masilungan sa halip na nasa labas lamang.
Madz Moratillo