Withdrawal ng mga Chinese fishing vessel sa Kalayaan Islands, iginiit ng DFA
Iginiit ng pamahalaang Pilipinas sa China na kaagad na nitong tanggalin ang mga fishing vessel at maritime asset na nasa karagatang malapit sa Julian Felipe Reef sa Kalayaan Group of Islands sa West Philippine Sea.
Sa isang statement na ipinalabas ng Department of Foreign Affairs, iginiit nito sa pamahalaang China na pagbawalan rin ang mga nasabing fishing vessel sa anumang aktibidad na nakasisira ng kapaligiran.
Sinabi pa sa statement na matinding ipinoprotesta ng bansa ang pamamalagi at pagdagsa ng mga Chinese fishing vessel at maritime asset sa nasabing lugar.
Iginiit pa ng DFA na ang patuloy na pagdagsa, pamamalagi , at pagkilos ng Chinese vessels sa Philippine maritime zone ay tahasang paglabag sa Philippine sovereignty, sovereign rights, at jurisdiction dahil ang Julian Felipe Reef sa Kalayaan Island Group ay nakapaloob sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ang patuloy na pagpasok ng China dito sa kabila ng paulit-ulit na protesta ng Pilipinas ay labag sa commitments ng China sa ilalim ng international law, at sa ASEAN-China Declaration of Parties in the South China Sea, ayon pa sa DFA.
Nanawagan pa ang Pilipinas sa China na tuparin ang obligasyon nito bilang isa sa mga bansang bahagi ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sundin at igalang ang naging pinal na hatol sa South China Sea Arbitration na ipinalabas pabor sa Pilipinas noong July 12, 2016.
Kaugnay nito, naghain na ng bagong protesta ang pamahalaang Pilipinas laban sa China noong Marso 21, 2021.