30% workforce sa mga hukuman sa bubble area, court hearing via video-conferencing, pinapayagan
Binawasan pa ang bilang ng mga court personnel na maaaring pumasok sa mga hukumang nasa ilalim sa GCQ dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa pinakahuling sirkular na inisyu ni Court Administrator Jose Midas Marquez, sinabi na maaaring mas mababa pa sa 30% ang skeleton workforce o ang sapat lamang na tauhan para matugunan ang mga urgent matters sa mga first at second-level courts sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal o ang tinatawag na bubble area.
Ito ay alinsunod sa resolusyon ng Korte Suprema na nag-uutos na lubhang bawasan pa ang mga court employees sa lahat ng mga hukuman sa Metro Manila at apat na probinsya.
Pinalawig din hanggang sa April 6 ang nasabing working arrangement.
Maaari ring magsagawa ng fully-remote video conferencing hearings ang mga hukom nang walang permiso mula sa Office of the Court Administrator.
Pinayagan ring magdaos ng fully-remote videoconferencing hearings ang mga judge sa labas ng kanilang judicial regions pero para lamang sa bail applications ng mga persons deprived of liberty, at kung ito ay nasa loob lamang ng bubble area.
Moira Encina