DOH iginiit na Healthcare workers ang dapat kasama sa Quick substitution list ng mga dapat bakunahan kontra Covid-19
Nagpaalala ang Department of Health (DOH) hinggil sa mga dapat makasama sa quick substitution list ng babakunahan kontra covid 19 sakaling hindi dumating ang magpapaturok o umatras ito.
Ginawa ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire ang pahayag kasunod ng mga ulat na may ilang nakakasingit sa babakunahan gayong hindi naman sila kasama sa priority list.
Binigyang-diin ni Vergeire na bago pa magsimula ang vaccination program ay naglabas na ng protocol ang DOH kung sino lang ang dapat munang bakunahan.
Nagsagawa rin aniya sila ng mga townhall meeting at maging head ng mga ospital ay kinausap rin nila para sa pagbuo ng nasabing listahan.
Ang layon aniya nito ay maiwasan ang wastage o pagkasayang ng mga bakuna.
Bawat vial o bote kasi ng bakuna ay ilang katao ang maaaring maturukan.
Giit ni Vergeire, ang bilin nila ay mga Healthcare worker din ang dapat kasama sa quick substitution list na ito.
Wala naman aniyang sinabi ang DOH na kung may refusal o hindi dumating ay magbakuna na sa iba pang sektor.
Ang prayoridad aniya ngayon ay mabakunahan muna lahat ng healthcare workers sa buong bansa.
Ipinaalala rin ng DOH official na may nilagdaang kasunduan ang gobyerno sa mga nagdonate ng bakuna gaya nalang ng Astrazeneca na mahigpit ang bilin ng World Health Organization (WHO) na Health workers muna ang dapat mabakunahan.
Ilan sa nabakunahan na hindi kabilang sa priority list ay ilang alkalde at aktor na si Mark Anthony Fernandez na sinasabing mayroon umanong commorbidities.
Madz Moratillo