Halos 133,000 PDLs, napalaya sa panahon ng Pandemya
Sa kabila ng mga hamon bunsod ng Pandemya, halos 133,000 na inmates o Persons Deprived of Liberty ang napalaya mula noong Marso ng nakaraang taon.
Sa kanyang farewell speech, sinabi ni outgoing Chief Justice Diosdado Peralta na kabuuang 132,795 PDLs ang nakalaya mula March 17, 2020 hanggang March 19, 2021.
Ito ay sa tulong na rin anya ng pagpapatupad ng videoconferencing hearings sa mga Hukuman ngayong may COVID-19 crisis.
Sinabi ni Peralta na nakapagsagawa ang mga Korte ng 222,767 pagdinig gamit ang videoconferencing technology mula nang magsimula ang Pandemya.
Aniya, may success rate ang videoconferencing hearings na 88%.
Ipinagmalaki ni Peralta na ginawang oportunidad ng Hudikatura ang Pandemya para sa Digital Transformation ng mga Hukuman.
Bukod sa virtual hearings, ilan pa sa mga ipinatupad ay ang e-filing, e-warrant, at e-payment.
Kabilang din sa landmark projects ng Enterprise Information Systems Plan ng SC na naisakatuparan ngayong Pandemic ay ang approval at development ng Judiciary ePayment Solution.
Gayundin ang deployment ng Philippine Judiciary 365 na official electronic communications platform ng buong Hudikatura na ginagamit sa pagtanggap ng pleading at iba pang court submissions online, at sa pagsasagawa ng videocon hearings.
Moira Encina