Malakanyang, umaasang malaki ang ibabagsak sa mga kaso ng Covid-19 kasunod ng pagpapatupad ng ECQ sa NCR plus areas
Inaasahang malaki ang ibababa sa kaso ng Covid-19 sa bansa kasunod ng pagsasailalim muli sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ng Metro Manila, Laguna, Cavite at Rizal.
Ngayong araw, March 29, ang simula ng pagpapatupad ng mas mahigpit na Community Quarantine sa mga nasabing lugar at pagpapaiksi pa ng curfew hours mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga hanggang Abril 4.
Sa panayam kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sinabi nitong ngayong linggong ito na inaasahang mararamdaman ang epekto ng mas mahigpit na Quarantine matapos ipatupad noong nakalipas na linggo ang NCR plus Bubble kung saaan naging limitado ang galaw ng mga tao.
Malaki aniya ang maitutulong sa Healthcare system ng bansa ang pagsasailalim muli sa ECQ ng mga nasabing lugar lalu na’t halos lahat ng malalaking ospital sa NCR ngayon ay punuan na at pagod na rin ang ating Healthcare workers.
Wala rin naman aniyang magiging matinding epekto sa ekonomiya ng isang linggong ECQ dahil isinabay ito sa Lenten break ng mga Katoliko.
Hindi naman matiyak ng opisyal kung palalawigin pa ang pagpapatupad ng ECQ sa NCR plus dahil pag-aaralan pa aniya ng Gobyerno ang magiging sitwasyon.
Aniya, ang Gobyerno ay nakatutok hindi lamang sa total cases ng virus infection sa bansa kundi pati na rin sa milyun-milyong nagugutom dahil sa epekto ng Economic lockdown.
Pres. Spokesperson Harry Roque:
“Alam po nating pagod na tayo sa mga lockdown pero konting tiis na lang po at mababakunahan na tayong lahat. Mayroon namang Light at the end of a Tunnel”. Ang Gobyerno ay nakatutok sa total health, hindi lamang sa kahalagahan ng pagbagal sa mahigit 700,000 cases ng Covid at sa death toll pero dapat tingnan din ang milyun-milyong nagugutom”