Presyo ng ilang bilihin sa merkado tumaas
Dahil sa muling pag-iral ng Enhance Community Quarantine (ECQ) sa NCR at karatig lalawigan na nasa bubble area, bahagyang tumaas ang presyo ng ilang mga bilihin sa merkado.
Sa talipapa market sa Barangay 183 sa Villamor, Pasay City ang gulay gaya ng sitaw na dati ay limang piso kada tali, ay naging sampung piso na. Ang repolyo na otsenta ang kilo ay isangdaan na ngayon.
Namamalagi namang 120 ang bawat kilo ng carrot, halos tumaas ng lima hanggang sampung piso ang presyo ng mga gulay lalo ngayong papasok na ang Lenten season ng mga kababayan nating katoliko.
Samantala, bahagya namang bumama ang presyo ng ilang prutas gaya ng manggang hinog na dating 180 ang kilo ngayon ay 150 na lamang, ang manggang hilaw naman na dati ay naglalaro sa 170-180 ang kada kilo ay 160 per kilo na lamang.
Ang lemon na dati ay 20 pesos ang isang piraso ay mabibili na ngayon ng tatlong singkwenta, habang ang mansanas ay namamalagi namang 25 ang bawat piraso, at ang ponkan ay namamalagi sa presyong apat singkwenta. Ang saging ay nasa 90 bawat kilo.
Sa mga panrekado naman, ang sibuyas na pula na naglalaro sa 150-160 bawat kilo ay 120 per kilo na lamang, ang sibuyas na puti ay 40 pesos na lamang mula sa dating 80 kada kilo. Ang luya na dating 200 ang kilo ay nasa 120-150 kada kilo na lamang. Ang dating 160 kada kilong calamansi ay 120 bawat kilo na lamang ngayon.
Sa mga karne, ang manok ay nananatili sa 180 kada kilo, ang liempo ay 320 bawat kilo, laman ng baboy ay 310 kada kilo, ang ribs at pata ay 300 naman ang bawat kilo.
Bahagya ring bumaba ang presyo ng bangus na dating 240 ang kilo ay naging 200 na lamang, ang galunggong na dati ay 280 ay tumaas naman at naging 300 na ang bawat kilo, ang tilapia na dating naglalaro sa pagitan ng 140-160 bawat kilo ay 150 na lamang.
Ayon sa ilang market vendor, mainam pa noong nakaraang taon dahil kahit paano ay maganda ang kanilang benta kahit umiiral ang ECQ, hindi tulad ngayon na matumal ang kanilang benta simula pa nitong Enero hanggang ngayong Marso.
Ulat ni Jimbo Tejano