Alamin kung kasama ka sa tatanggap ng isang libong pisong ayuda

Dahil sa dami ng mga nagtatanong, nagpalabas na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng paliwanag tungkol sa ipamamahaging isang libong pisong cash assistance sa mga kwalipikadong indibidwal na naninirahan Metro Manila, Laguna, Rizal, Cavite, at Bulacan na isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ). Kung isa ka sa mga may katanungan, dito mo na makikita ang kasagutan.

ANO ANG GAMPANIN NG DSWD SA PAMAMAHAGI NG FINANCIAL ASSISTANCE?

Ang DSWD ay magbabahagi ng technical assistance sa mga concerned LGUs na kabilang sa NCR+ sa pamamagitan ng pagbibigay ng validated list ng mga benepisyaryo ng SAP. Ito ang magsisilbing gabay ng mga LGU sa kanilang pagtukoy ng mga mapagkakalooban ng tulong. Kasama ng DSWD ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of National Defense (DND) sa pag-alalay sa mga LGUs upang matiyak ang maayos na pamamahagi ng tulong-pinansyal at masunod ang mga probisyon ng Joint Memorandum Circular (JMC) 1, Series of 2021.

SINO ANG MAY TUNGKULING MAMAHAGI NG MGA ASSISTANCE?

Ang mga lokal na pamahalaan o LGUs na nabibilang sa NCR+ ang may tungkulin na mamahagi ng tulong. Batay sa JMC 1, tutukuyin ng LGU ang pinakamabisa at pinakamabilis na pamamaraan ng pamamahagi ng tulong, maging in-cash o in-kind, sa kanilang mga nasasakupan. Kinakailangan din na nakapaloob ang mode at means of distribution sa isang Executive Order na ipalalabas ng Local Chief Executive bago isagawa ang distribusyon.

ANO ANG MAGIGING BATAYANG GAGAMITIN PARA SA MGA BIBIGYAN NG FINANCIAL ASSISTANCE?

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), mayroong 22.9 milyong kababayan natin mula sa NCR+ (National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal) ang kwalipikadong mabigyan ng financial assistance. Batay sa Joint Memorandum Circular No. 1, series of 2021, ang prayoridad na mabigyan ng tulong pinansyal ng mga lokal na pamahalaan ay ang mga sumusunod:a. Mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa ilalim ng Bayanihan 1 at mga karagdagang benepisyaryo ng emergency subsidy ng Bayanihan 2;b. Mga SAP waitlisted beneficiaries; c. Mga kabilang sa bulnerableng sektor tulad ng mga taong may mabababang kita na namumuhay mag-isa, mga persons with disabilities (PWD), mga solo parents, at iba pa; d. Iba pang mga indibidwal na matutukoy ng mga LGU na lubos na naapektuhan ng ECQ, kung mamarapatin ng kanilang pondo.

KASAMA BA ANG PANTAWID PAMILYA SA BILANG NG MABIBIGYAN NGAYON NG FINANCIAL ASSISTANCE?

Bilang bahagi ng Technical Assistance sa mga LGUs ng NCR+, ibinahagi ng DSWD ang listahan ng mga benepisyaryo ng SAP, kabilang ang mga 4Ps beneficiaries.Ang nasabing listahan ay ibinahagi upang magsilbing reference ng mga LGUs sa pagtukoy ng mga makatatanggap ng financial assistance. Kung kaya’t nasa diskresyon pa rin ng LGUs kung sinu-sino ang bibigyang-prayoridad para sa financial assistance.

MAGKANO ANG POSIBLENG MAKUHA NG BAWAT PAMILYA?

Batay sa inilabas na Local Budget Circular ng DBM, Php 1,000.00 kada indibidwal at hindi hihigit sa Php 4,000.00 ang maaaring matanggap ng isang pamilya. Kung higit sa 4 na miyembro ang pamilya, hindi pa rin lalagpas sa Php 4,000.00 ang kanilang matatanggap.

SAAN MAKIKITA ANG LISTAHAN NG MGA KABILANG SA MABIBIGYAN NG FINANCIAL ASSISTANCE?

Bago ang pamamahagi ng financial assistance, ang mga LGU ay dapat mag-post ng listahan ng mga naaprubahang benepisyaryo sa kanilang opisyal na website at social media accounts. Kinakailangan ding ipaskil ito sa mga lugar sa barangay na madali itong makikita at mababasa. Sa pamamaraang ito, makatitiyak tayo na ang mga karapat-dapat at kwalipikadong benepisyaryo ang makatatanggap ng tulong-pinansyal dahil kabahagi ang buong komunidad sa pag-validate nito.

ANO ANG PROSESO NG PAGBABA NG PONDO AT PAGBIBIGAY NG ASSISTANCE SA MGA BENEPISYARYO?

Ang pondo ay diretsong isasalin ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga LGUs na kabilang sa NCR+ na nasa ilalim ng ECQ. Matapos maitakda ng LGU sa kanilang EO ang pamamaraan ng pagtanggap ng ayuda ay saka pa lamang maipamamahagi ang in-cash o in-kind na assistance sa kanilang mga pinaka-apektadong nasasakupan. Alinsunod sa JMC 1, ang nasabing pondo ay maaari lamang gamitin bilang assistance ngayong panahon ng ECQ at hindi maaaring ilaan para sa ibang programa, proyekto,at aktibidad.

KAILAN IPAMAMAHAGI ANG AYUDA?

Kung ang emergency subsidy ay ibibigay in cash, kailangang maipamahagi ito sa loob ng labinlimang (15) araw mula sa pagpapalabas ng Notice of Cash Allocation at sa loob naman ng tatlumpung araw (30) kung ang tulong na ibibigay ay in kind.

PAANO TUTUGUNIN NG MGA CONCERNED LGUs ANG MGA REKLAMO O HINAING HINGGIL SA AYUDA?

Ang mga concerned LGUs ay bubuo ng kani-kanilang Grievance and Appeals Committee na siyang tutugon sa mga reklamo o hinaing ng kanilang mga nasasakupan. Maaari ring lumikha ng kahalintulad na komite sa mga barangay kung kinakailangan. Inaasahan ang agarang pagtugon ng komite sa mga reklamo at pagtatakda ng hotline para lamang rito.

Please follow and like us: