Solusyon ba ang lockdown?
Isang bagong linggong bubunuin natin ang ekstensyon ng ECQ sa Metro Manila kasama ang Rizal, Cavite, Laguna at Cavite. Kaya pinagtibay Ng Pangulo ang pagpaplawig ng ECQ dahil sa patuloy na pagtaas pa ng kaso ng Covid 19.
Araw-araw ang average ng Covid cases ay pumapalo sa 11 libo. Kaya Hindi katakataka na ang bed capacity ng mga pagamutan ay patuloy na napupuno, at kinakailangan na magkaron ng mahigpit na patakaran para mabawasan ang pagdami ng kaso pero, hindi naman nababawasan, ano ang gagawin natin? Ang remedyo, extension.
Pero, ito ang dapat nating tandaan, ito rin ang gusto kong ipapansin sa inyo na sa tuwing araw ng Linggo ay dumarami ang gumagaling. Tulad nung Linggo, ilan ang sabi ng DOH na gumaling? Mahigit daw 40K.
Saan nanggaling ang numerong ito? At kung mahigit sa 40K ang gumaling nangangagulugan na malaki dapat ang magiging kabawasan nito sa bed capacity ng mga ospital, hindi ba?
Kaya kung minsan nakapagtataka, ito bang DOH ay magrereport ng tamang figure at kaganapan ukol sa Covid-19? May mga report na kailangan pang magpalipat lipat ng mga ospital bago maadmit ang isang Covid-patient hanggang sa Pampanga nakarating. Hindi na maadmit man lang sa ER o sa tent. Kaya muli ang tanong ko, ang report ba na inilalabas ng DOH, totoo ba? Kasi nakapagdududa.
Ang sabi ng mga eksperto, naglockdown man tayo sa NCR na siyang epicenter ng Covid-19, kung walang medical intervention tulad ng bakuna na magagamit, balewala ang lockdown. Ang mangyayari lang nito, maghihirap ang taumbayan.
Sabi ng health expert ng National Task Force Against Covid-19, hanggang hindi bumaba ang kaso, mananatili daw ang ECQ sa metro manila at karatig na mga lalawigan.
So, obserbahan natin, malamang kapag di bumaba ang kaso, baka hindi lang isang linggo ang extension kundi baka buong Abril pa hanggang sa dumating ang bagong batch ng bakuna.
Posibleng dumating ang bagong batch ng bakuna na maaaring magamit ng taumbayan sa Mayo o Hunyo. Lockdown ba ang tanging solusyon? Hindi ba ang dapat na paigtingin ay ang epektibo at mabilis na contract tracing?