Singil sa kuryente ngayong Abril, muling tataas
Magkakaroon ng pagtaas ng singil sa kuryente ngayong Abril.
Ayon sa Meralco, papatak sa P0.063 kada kilowatt hour ang dagdag-singil.
Katumbas ito ng P12.60 dagdag-singil kada buwan sa mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kWh, P18.90 naman sa 300 kWh, P25.20 sa 400 kwH, at P31.50 sa 500 kWh na konsumo.
Paliwanag ng Meralco, pagnipis ng reserbang kuryente ang sanhi ng pagsipa ng presyo ng kuryente sa wholesale electricity spot market (WESM) nitong Marso.
Bunsod din ng pagtaas ng singil sa kuryente ay ang gastos ng mga power plant sa bansa dahil sa paghina ng piso.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng Meralco na sapat ang suplay ng kuryente para sa mga susunod na buwan kahit na may mataas na demand ito.
Matatandaang noong Marso ay P0.09 kada kilowatt hour (kWh) ang naging pagtaas sa singil sa kuryente, habang noong Pebrero naman ay nasa P0.57 ang naging pagtaas sa kada kwh.
Ito na ang pangatlong beses ngayong taon na nagtaas ng singil sa kuryente ang Meralco.
Ken Mesina