Pamamahagi ng financial assistance sa Plaridel umangkada na
Tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa bayan ng Plaridel, Bulacan.
Target ng Plaridel LGU, na mabigyan ng cash aid ang mahigit 40-libong pamilya sa 19 na mga barangay sa nabanggit na bayan.
Aabot naman sa mahigit 89 na milyong pisong pondo ang ibinaba ng National Government para sa naturang bayan, na naipamahagi na pamilya o indibidwal na naapektuhan ng ECQ.
Una rito ay pinuri ni Dept. of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rolando Bautista ang ginawang pamamahagi ng ayuda, na ginanap sa Barangay Lalangan, Plaridel dahil sa maayos at sistematikong pagdi-distribute ng financial aid sa mga benepisyaryo.
Samantala, binanggit ni Mayor Tessie Vistan kay Sec. Bautista ang 2nd tranche SAP beneficiaries na nasa limang libo ang bilang, na hindi pa nabibigyan ng ayuda.
Sa huling tala ng MSWD hanggang nitong April 13, 2021 nasa 6,596 na pamilya o 22,064 na indibidwal na ang naabutan ng tulong pinansyal, at nasa 22 milyong pisong pondo naman ang naipamahagi na ng ahensya.
Ngayong araw ay nakatakda namang mamahagi ng ayuda ang ahensya sa Barangay Parulan, San Jose at Culianin.
Ulat ni Jimbo Tejano