Matalinong paggamit ng H2O
Karaniwan ng paksa ang ukol sa di pag-aaksaya ng tubig, o ‘yung mga reklamo natin na sobrang taas ng water bill na binabayaran, pero, ito pa rin ang napili long pagkwentuhan natin, ang ukol sa matalinong paggamit ng tubig.
Wala akong sisisihin, magpapaalala lang, minsan ito lang ang kailangan natin para masolusyunan ang problema. Hindi kaila sa atin na galong-galong tubig ang nasasayang araw-araw. Sa bahay na lang natin, na check na ba natin kung may mga tagas o leaks?
Dahil sa mga tagas na ito nasa 10 percent ng tubig sa bahay ay nasasayang at binabayaran natin. Sa CR na lang baka may toilet leak. Para malaman kung may leak, lagyan ng dye o pangkulay, kapag tumagas ang kulay, may tagas.
Sa paliligo, karaniwang gamit natin ay tabo at timba, hindi ba? Iyung iba shower. Kung sakaling bathtub, alam ba ninyo na ang average na pwedeng makonsumong tubig ay 40-50 gallons of water?
Ang 10-minute shower naman ay nasa 2 gallons per minute o nasa 20 gallons ang makokonsumo kung mabilis kang mag shower. Kaya depende sa ikli o sa tagal ng pagsa shower.
Eto pa, alam kong alam n’yo na rin, actually, kahit yung two years old na bata ay alam na ito, na kapag nagsesepilyo ng ngipin dapat gumamit ng baso at huwag hayaang nakabukas ang gripo at tuloy-tuloy ang daloy ng tubig.
Kapag naghihilamos, nagsi-shave, naghuhugas ng mga gagamitin sa pagluluto huwag hayaang nakabukas ang gripo, maraming nasasayang na tubig at magastos!
Balikan ko lang ‘yung ukol sa tagas sa bahay, magtanong tayo sa mga kapitbahay na pwedeng magkumpuni at huwag nating pabayaan lang kahit pa sabihing maliit lang naman ang tagas.
Batay sa pag-aaral, halos isang trilyong galon ng tubig ang nasasayang kada taon dahil sa mga tagas.
Napakinggan ko nga pala sa programang Ito ang Tahanan sa Radyo Agila, ang interview Kay Mr. Zmel Grabillo, spokesperson ng Maynilad, at ang sabi n’ya, mas mabuti kung ang isang consumer ay matutuhan ang magbasa ng metro o kuntador lalo na’t nakalagay naman sa water bill ang present at previous reading ng nakonsumong tubig.
At kung sa palagay ng consumer ay may pagkakamali, maaari naman itong ireport sa kanila para magawan ng hakbang.