Turismo sa Kalinga suspendido pa rin dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19
Tuwing summer season ay karaniwan nang may bumibisita para mamasyal sa mga tourist spot sa iba’t-ibang lugar sa Kalinga, gaya ng Sleeping Beauty Mountain sa Tinglayan, Kalinga, Gigantic Stone sa Aciga, Pinukpuk, Apo Wang-od sa Buscalan, Tinglayan, Kalinga, Awichon Village sa Lubuagan, Kalinga, Rice Terraces sa Pasil, Kalinga at marami pang iba.
Ngunit dahil sa kasalukuyang kalagayan ngayon na ang bansa ay humaharap sa matinding pandemya ng sakit, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nakukumpirmang positibo sa COVID-19, at nadaragdagan din ang mga nasasawi ay ipinasya ng mga kinauukulan na hindi muna bubuksan ang mga nabanggit na pasyalan.
Katunayan ay nagpalabas ng anunsyo ang mga munisipalidad na pansamantala munang isasara o suspendido ang turismo at hindi tatanggap ng mga turista para maiwasan ang patuloy na paglaganap at pagkalat ng sakit, lalo na at may naitala na ring kaso ng UK variant sa Kalinga.
Kaugnay nito ay nanawagan ang mga opisyal ng local government unit (LGU) sa mga may-ari at operator ng mga naturang tourist destination, na huwag munang magbubukas at tatanggap ng sinumang turista at ipinagbabawal din ang anumang aktibidad na may kinalaman sa turismo.
Nanawagan din sila sa mga mamamayan na makipagkaisa sa health protocols na ipinatutupad ngayong may pandemya, para lahat ay maligtas sa nakahahawang sakit.
Ulat ni Xian Renzo Alejandro