Community pantry inilunsad sa Davao City
Patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, kaya naman mas pinalawig pa ang enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine (GCQ) sa ilang apektadong lugar .
Dahil dito patuloy pa rin na nararanasan at nadaragdagan ang kahirapan ng ilan sa ating mga kababayan.
At dahil likas sa ating mga Pilipino ang pagka matulungin, naglunsad ng community pantry ang ilang indibidwal sa Davao City, na na-inspire sa Maginhawa Community Pantry sa Quezon City.
Nag-ambagan ang ilang mga negosyante, mga magsasaka at kahit na mga ordinaryong mamamayan para ito masimulan, sa layuning makatulong sa mga nanganangailangan.
Kabilang sa mga naka-display sa community pantry ay mga gulay, prutas at iba’t-iba pang uri ng pagkain.
Matatagpuan ito sa kahabaan ng Roxas avenue, Matina at Ecoland kung saan pwedeng kumuha ang sinuman at ito ay libre.
Hindi lamang ito isinagawa sa open areas kundi maging sa Davao City Jail, para naman sa mga nakapiit doon.
Kahapon ay sako-sako ang dala ng mga magsasaka mula sa kanilang aning pananim para i-donate sa community pantry.
Patuloy namang tumatanggap ng donasyon ang mga nagsimula ng proyekto, upang patuloy ding makinabang ang mga nangangailangan.
Patunay lamang ito na sa kabila ng kahirapang dinaranas ng mundo, ay nananaig pa rin ang bayanihan sa puso ng maraming Pilipino.
Ulat ni Noreen Ygonia