WHO tutol sa proof of vaccination para sa mga biyahero
GENEVA, Switzerland (AFP) — Inihayag ng emergency committee ng World Health Organization (WHO), na tutol ito sa ipinatutupad na proof of vaccination sa international travellers, na maaaring magpalala sa hindi pagkakapantay-pantay.
Sa buod ng kanilang pahayag kaugnay ng naging pagpupulong nila noong Abril a-15, na ang resulta ay inilathala nitong Lunes ay sinabi ng komite . . . “Do not require proof of vaccination as a condition of entry, given the limited (although growing) evidence about the performance of vaccines in reducing transmission and the persistent inequity in the global vaccine distribution. States Parties are strongly encouraged to acknowledge the potential for requirements of proof of vaccination to deepen inequities and promote differential freedom of movement.”
Ang rekomendasyon ng grupo ay ginawa matapos ikonsidera ng maraming mga bansa na maglunsad ng vaccine passports para sa mga biyahero, at maging para sa iba pang mga aktibidad gaya ng sports.
Gayunman, maraming bumatikos sa naturang ideya kung saan marami ang nagsabi na magiging daan lamang ito ng diskriminasyon sa pagitan ng bata at matatanda, mayaman at mahirap. May mga nagbanggit din ng tungkol sa privacy concern.
Ang mga bansang kasapi sa European Union (EU) ay pumayag na sa vaccine certificates, habang ang China naman ay naglunsad na ng isang health certificate program para sa travellers at ikinu-konsidera na rin ng airline companies na gawing requirement ang vaccination proof.
Una nang inihayag ng Estados Unidos, na hindi nila gagawing requirement ang vaccination passports subalit sinabing malaya ang pribadong sector na subukan ang nasabing ideya.
Samantala, tinalakay din ng komite ang iba pang isyu sa kanilang pulong nitong nakalipas na linggo, kabilang na ang pagpapalakas sa access sa COVID-19 vaccines at bawasan ang national at global inequities, kung ang pag-uusapan ay access sa bakuna.
Hinimok din ng komite ang WHO, na dagdagan pa ang pagsasaliksik sa origins ng vaccines at nanawagan para sa mas mahusay na regulasyon sa animal markets.
Bilang karagdagan, inihayag ng komite . . . “The sale or import of wild animals that pose a high risk of transmission of novel pathogens from animals to humans or vice versa should be discouraged.”
Sa kasalukuyan ay tatlong bakuna pa lamang ang aprubado ng WHO para sa coronavirus, ang ginawa ng Pfizer-BioNTech, ang AstraZeneca-Oxford vaccine na gawa sa India at South Korea, at ang Johnson & Johnson vaccine.
Ang novel coronavirus, na pinaniniwalang tumalon sa tao mula sa hayop, ay kumitil na ng higit tatlong milyong buhay sa buong mundo, mula nang lumitaw ito sa China noong December 2019.
© Agence France-Presse