SC pinagtibay ang mga karagdagang panuntunan sa pagsasailalim sa Antigen testing ng mga kawani
Inaprubahan ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang rekomendasyon ng Office of Administrative Services (OAS) na obligahin na sumailalim sa Antigen testing ang ilang kawani ng Korte Suprema.
Ang mga ito ay ang mga empleyado ng Korte Suprema na may sintomas ng COVID-19 at may direct exposure sa kumpirmadong kaso.
Kailangan din na sumailalim sa Antigen testing ang court employee na nakakumpleto ng quarantine bago pumasok muli sa trabaho, at ang kawani na magbabalik-trabaho matapos ang mahabang bakasyon o absence.
Binanggit sa memorandum ng OAS na mabisang paraan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa Korte Suprema ang early detection lalo na’t may bagong variants na ng virus.
Ipinaliwanag ng tanggapan na ang COVID-19 Antigen Testing ay gumagamit ng nasal swabbing para kumolekta ng samples sa mga kawani na nagbibigay-daan para ma-detect nang maaga ang viral particles mula sa coronavirus.
Moira Encina