Dipolog City nagpatupad na ng Bubble Set-Up
Sinimulan nang ipatupad Sa Dipolog City kahapon, Abril 19 na tatagal naman hanggang sa Abril 30, 2021 ang “Bubble Set-up” sa ilalim ng pagpapatibay ng Executive Order number 11, series of 2021.
Inilabas ni City Mayor Darel Dexter Uy ang nasabing kautusan, kasunod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID 19 dito sa Dipolog City at sa Zamboanga del Norte sa pahintulot rin ng Regional Inter Agency Task Force o RIATF.
Nilinaw ng pamahalaang lokal ng lungsod na hindi ito isang lockdown gaya ng inakala ng ilan, kundi upang higpitan lamang ang mga hakbang na gagawin laban sa COVID 19, partikular sa mga city checkpoint sa mga hangganan ng lungsod, para mabantayan ang galaw ng mga tao laluna sa entry-exit point.
Nilinaw pa ng alkalde na sa ilalim ng “Bubble Set-up,” ay malayang makagagalaw ang mga tao, maliban sa mga wala pang 18 ang edad at mga lampas na sa 65, kasama ang mga maysakit at mga buntis.
Alinsunod sa pagpapatupad ng kautusang ito, mahigpit na pinapaalala ang mga pangunahing protocol, tulad ng social distancing at patuloy na pagsusuot ng facemask at face shield.
Tulad ng dati, bukas ang mga tindahan, maliban sa mga ipinagbabawal batay sa execurive orders ng lungsod gaya ng mga bar, children’s park at mga katulad nito.
Bukas din ang mga restaurant at iba pang kainan, subalit ang papayagan lamang ay 30% na kapasidad. Ang mass gatherings gaya ng religious activities ay pinapayagan din ngunit 30% lamang dapat ang kapasidad, maging ang social gatherings tulad ng kasal at birthday ay dapat na 30% lamang ang kapasidad, at hindi hihigit sa 100 katao.
Ulat ni Anj Tigolo