Pagdadawit sa red tagging ng mga organizer ng community pantry kinondena
Kinondena ng mga Senador ang pagdawit sa ilang organizers ng mga community pantry sa red tagging o komunistang grupo.
Tinawag na paranoid ni Senator Nancy Binay ang mga awtoridad dahil sa malisyosong pagdawit sa mga organizer ng community pantry na layon lang naman ay makatulong sa mahihirap.
Kwestyon pa ng senador, ano ang naging ambag sa lipunan ng mga nagdawit sa mga organizers.
Giit naman ni senator grace poe hindi dapat ilagay ng mga awtoridad sa panganib ang buhay ng mga taong ang gusto lang naman ay makatulong sa kanilang kapwa na ibsan ang matinding gutom.
Sa halip na takutin, dapat nga aniyang suportahan ang mga ganitong inisyatibo para mahikayat ang ibat ibang grupo na tumulong sa pagbibigay sa mga higit na nangangailangan.
Pero para kay Senator Imee Marcos ang pagsulpot ng mga community pantry ay sumasalamin lang sa kabagalan at kawalan ng malinaw na tulong mula sa gobyerno.
Hindi rin aniya maayos ang siistema ng pamamahagi ng ayuda dahil maraming hindi naisama sa listahan ng benepisyaryo ng DSWD.
Giit ni Senator Marcos dapat maisaayos, mapabilis at madagdagan ang tulong ng pamahalaan sa mga pamilyang tinamaan ng COVID- 19 at nawalan ng hanapbuhay.
Meanne Corvera