Kongreso malayang ipawalang bisa ang EO na inisyu ni Pangulong Duterte hinggil sa pagtapyas ng taripa sa imported pork- Malakanyang
Walang nakikitang problema ang Malakanyang kung ipawalang bisa ng mga mambabatas ang inisyung Executive Order 128 ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagbaba ng taripa at pagdaragdag ng Minimum Access Volume o MAV sa mga imported na produktong karne ng baboy.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na malaya naman ang mga mambabatas na gawin ang kanilang trabaho na makakatulong sa bayan.
Ayon kay Roque saklaw ng hurisdiksyon ng kongreso na muling pag-aralan o ipawalang bisa ang EO 128 sa pamamagitan ng kanilang oversight power.
Inihayag ni Roque anuman ang maging desisyon ng mga mambabatas ay irirespeto ng Malakanyang.
Iginiit ni Roque hanggat walang batas na bumabawi sa inilabas na EO 128 ng Pangulo ay tuloy ang pagpapatupad nito.
Niliwanag ni Roque sa ngayon nananatili ang tiwala ng Pangulo kay Agriculture Secretary William Dar.
Vic Somintac