Migrant workers isasailalim sa quarantine sa Singapore
SINGAPORE, Singapore (AFP) — Nasa 1,200 migrant workers mula sa isang dormitory sa Singapore ang isinailalim sa quarantine, matapos matuklasan na may mga kalalakihang dinapuan ng COVID-19 ngunit magaling na.
Maraming dormitoryo na karamihan ng nakatira ay South Asian workers, ang nasa sentro ng lugar sa Singapore kung saan unang nagkaroon ng outbreak noong nakalipas na taon, at karamihan sa mga kaso ay mula sa nabanggit na mga dormitory.
Ang outbreak sa Singapore ay nakontrol na kung saan iilan na lamang ang nade-detect araw-araw, ngunit ang pagkakadiskubre ng mga bagong kaso sa kalipunan ng foreign workers ay nagdulot ng pangamba, na maaaring tamaang muli ang mga dormitoryo.
Sa unang bahagi ng linggong ito, isang virus case ang nadiskubre sa Westlite Woodlands Dormitory sa isang manggagawa na nabigyan na ng dalawang doses ng COVID-19 vaccine.
Ayon sa health officials, nagsagawa pa ng dagdag na tests ang mga awtoridad sa naturang dormitory, at natuklasan nila na 17 pang manggagawa na pinaniniwalaang nakarecover na mula sa unang infection ang muling nagpositibo sa virus.
Ayon kay Tan See Leng, minister mula sa tanggapan ng prime minister . . . “To prevent and contain the possible spread of infection in the dormitory, we imposed quarantine orders on workers at the affected block.”
Ini-imbestigahan na ng mga opisyal kung ang mga manggagawa ay muling nahawa, o inilalabas lamang nila ang virus mula sa una nilang infection.
Nitong nakalipas na buwan ay sinimulan na ng Singapore ang pagbabakuna sa foreign workers, na ang trabaho ay sa construction at maintenance.
© Agence France-Presse