Ina
Hello everyone, welcome to My Tea!
Gaya ng lagi kong sinasabi, maraming benepisyo ang pag inom ng tsaa kaya sanayin na natin ang ating sarili.
May kasabihan na … any woman is our mothers image.
Nararapat na ibigay ang mataas na pagpapahalaga at paggalang lalo na sa ating ina.
Sa pisikal na kalagayan, maaaring siya ay mahina.
Isang delikadong bagay at isang babasagin kung kaya hindi akma ang marahas na kamay ng isang lalaki.
Ang ina ay simbolo ng pagmamahal, sakripisyo at walang limitasyong pang-unawa.
Siya ang nasasaktan kapag may dinaramdam ang anak.
Palibhasa sa paglilihi ay naghirap na s’ya, iniingatan ang katawan upang nasa sinapupunan ay hindi mapinsala.
Sa pagluwal sa anak ay isang panibagong yugto sa pagbabantay na ultimo lamok ay hindi dapat dumapo sa manipis at makinis na balat ng sanggol na ang samyo ay halimuyak ng sariwang bulaklak sa hardin.
Sa paglipas ng panahon ay hindi namamalayan ni inay na dalaga na ang anak.
Hindi na n’ya naririnig ang mga katagang, inay, ano po ito?
Bakit po ganun ‘yun? Inay tulog na po tayo, Inay I love you.’ Meron ng mga kaibigan ang anak at nakikita nyang masaya s’ya sa kanila.
Sa gabi naman, hawak palagi ng anak ang cellphone na tila may hinihintay na kausap.
Mapili na rin sa isusuot at palaging nasa harap ng salamin.
May kaba na sa dibdib ng ina.
Gusto n’yang tawagin at magtanong, anak, umiibig ka na ba?
Sino at paano mo siya nakilala?
Gusto n’yang sabihin na … Anak, huwag muna, bata ka pa, nagtapos ka muna ng pag aaral.
Huwag mong pagbasehan ang gandang lalaki o gara ng manamit, o dahil matalino o mayaman siya.
Anak, physical attraction lamang ang lahat ng ‘yan at hindi basehan ng pag ibig.
Gusto mong sabihin na anak ang importante ay ang pag-uugali kasi kasama mo siya hanggang sa pagtanda.
Magalang, mapagmahal ba siya sa magulang, higit sa lahat, may takot na sa Diyos?
Anak, ako ang iyong ina, ang iyong magulang.
Tinawag na magulang dahil matagal na ako sa mundo, marami ng karanasan. ibat ibang tao na ang nakaharap at nakausap.
Bihirang magkamali sa hinala.
Anak, ang daigdig ay puno ng pagbabalatkayo at hindi lahat ng nakikita o nadinig ay totoo.
Kabiguan mo sa pag aasawa ay habangbuhay na kalungkutan.
Gustong-ipilit ng ina sa anak at sabihing … Anak, pagtiwalaan mo ako.
Anak, sa akin ka galing, magkarugtong ang ating pusod.
Ang sakit mo ay tagos sa akin.
Anak, dagok sa puso ko ang kabiguan mo.
May naalala ako, isang dalaga ang nagtanong sa akin… Tita Metty, bakit po si Mommy hindi pa naman n’ya nakakaharap ang boyfriend ko ay ayaw na n’ya?
Ang sagot ko sa dalagang nagtanong, simple lang, anak, ‘yung pag ayaw ng mommy mo kahit pa nakausap ang kasintahan mo ay yun na yun!
Sundin mo ang kutob niya.
Alalahanin mo ang kutob ng ina kadalasan sa hindi ay totoo.
Lumipas ang isang taon at nagulat ako, tita, salamat po, ‘Yung boyfriend na sinabi ko sa inyo naalala ninyo?
Hindi po pala siya mabuting tao… ang sagot ko lang, may kasabihan na … Mother knows best!