Apo Whang-Od nominado ng Kalinga para sa Gawad Manlilikha ng Bayan
Isa ang lalawigan ng Kalinga na may natatanging kultura na kanilang ipamamana at ipakikilala sa mga susunod na henerasyon.
Isa na rito si Whang-Od Parat Oggay, 104 na taong gulang, isinilang noong Marso 7, 1919. Ipinanganak sya at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Buscalan, Tinglayan, Kalinga at kabilang sa Butbut tribe.
Si Whang-Od ay nominado ng Kalinga para sa Gawad Manlilikha ng Bayan o GAMABA sa ilalim ng Traditional Tattooing Category.
Mas kilala sa tawag na Apo Whang-Od, sya ang kinikilalang pinakamatandang nabubuhay na magta-tattoo o tattoo artist sa buong bansa.
Ang mga nagpapa-tattoo sa kanya ay kilalang mga mandirigma ng Kalinga o Kalinga Warriors, lalo noong mga naunang panahon.
Si Apo Whang-Od ay 86 na taon nang tattoo artist, at tinagurian din siyang the last tattoo artist ng kanyang henerasyon.
Bago nagkaroon ng pandemya ng COVID-19 ay tunay na dinaragsa si Apo Whang-Od ng mga nais magpa-tattoo, mula sa ibang lalawigan at maging ng mga dayuhan mula sa ibang bansa.
Matiyaga nilang nilalakad at inaakya ang bundok sa Buscalan upang makita ng personal si Apo Whang-Od, magbigay pugay at magpa-tattoo sa kanya.
Lubos naman ang paniniwala ng mga taga Kalinga at tiwalang tiwala sila na ang sinaunang sining o istilo ni Apo Whang-Od sa pagta-tattoo ay kikilalanin, at sa huli ay itatanghal siya bilang National Living Treasure of the Philippines.
Ulat ni Xian Renzo Alejandro