DOJ kakausapin ang NBI ukol sa resolusyon sa Kamara na imbestigahan ang red-tagging sa mga community pantries organizers
Sa ngayon ay wala pang pormal na utos ang DOJ na imbestigahan ng NBI ang red-tagging sa mga organizers ng community pantries.
Ito ay kaugnay sa resolusyon ni Deputy Speaker at Congressman Rufus Rodriguez na nag-uutos sa National Bureau of Investigation (NBI) at Commission on Human Rights (CHR) na imbestigahan ang pag-ugnay sa mga organizers sa mga rebeldeng komunista o makakaliwang grupo.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kanyang kakausapin ang NBI ukol sa nasabing resolusyon sa Kamara.
Iminungkahi naman ng kalihim na mas mabuting magpasa ang Kongreso ng batas na magbibigay ng malinaw na depenisyon at magpaparusa sa ‘red-tagging.’
Sa resolusyon ni Rodriguez, inihayag na dapat masiyasat ang red-tagging activities at matigil ito lalo na’t nagreresulta ito para mahinto ang mga mabubuting inisyatibo gaya ng community pantries.
Una nang sinabi ni Guevarra na dapat hayaan at hindi dapat pakialamanan ang sinumang tao na boluntaryong gumagawa ng kabutihan sa mga kapwa nito.
Moira Encina