Guevarra: Legal na basehan sa mga exemptions sa pamamahagi at paggamit ng ivermectin bilang gamot sa COVID-19, dapat pang pag-aralan
Kung si Justice Sec. Menardo Guevarra ang tatanungin ay malabo ang mga legal na basehan sa mga inilatag na exemptions ng FDA sa paggamit at distribusyon ng anti-parasitic drug sa mga hayop na ivermectin bilang gamot laban sa COVID-19.
Ito ay sa harap ng pamamahagi nina Congressmen Rodante Marcoleta at Mike Defensor ng libreng ivermectin capsules sa ilang residente ng Quezon City.
Una nang inihayag ni FDA Director General Eric Domingo na pinapayagan ang paggamit ng ivermectin para sa COVID-19 kung ito ay may compassionate special permit at kung mula ito sa licensed compounding pharmacy at may reseta ng doktor.
Pero, ayon kay Guevarra, hindi malinaw at hindi siya tiyak sa “soundness” ng legal bases sa nabanggit na dalawang exemptions.
Naniniwala ang kalihim na dapat pang pag-aralang mabuti kung may legal na batayan ang pagpayag ng FDA sa ilang sitwasyon sa paggamit ng ivermectin.
Sinabi pa ni Guevarra na lumalabas na nalalabag ang FDA law sa pamimigay ng anti-parasitic drug dahil hindi rehistrado ang ivermectin bilang gamot ng tao laban sa COVID.
Gayunman, aminado si Guevarra na hindi niya masisisi ang dalawang kongresista na ituloy ang distribusyon ng ivermectin lalo na’t may pahayag na ang mismong direktor ng FDA na wala silang nakikitang problema sa ginawang pamamahagi ng gamot dahil ito ay mula sa licensed compounding pharmacy.
Aniya sakaling may maghain ng reklamo laban kina Marcoleta at Defensor ay pwede nilang gawing depensa ang exemptions na ibinigay ng FDA.
Sa ngayon ay may limang ospital ang binigyan na ng FDA ng compassionate special permits sa paggamit ng ivermectin bilang bahagi ng paggamot sa kanilang COVID patients.
Moira Encina