Ivermectin Clinical trial posibleng masimulan na sa mga susunod na buwan
Inaasahang masisimulan na sa susunod na buwan ang clinical trial dito sa bansa para sa antiparasitic drug na Ivermectin bilang panglaban sa COVID-19.
Ayon kay DOST-Philippine Council for Health Research and Development Executive director Jaime Montoya, posibleng abutin ng hanggang 6 na buwan ang trial.
Maaaring masimulan aniya ito sa katapusan ng Mayo o sa Hunyo.
Nasa 1,200 pasyente ang target aniya nilang irecruit para sa Ivermectin trial na target gawin sa Metro Manila pero maaaring madagdagan pa ito.
Mga mild at moderate COVID 19 patients na nasa mga quarantine facility pa ang plano nilang isama sa clinical trial.
Sinabi naman ni Dr. Marissa Alejandria, presidente ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, na layon ng pag-aaral na ito na makita kung epektibo ba ang ivermectin sa pagpigil sa paglala ng epekto ng COVID 19 sa isang pasyente o pagka-ospital ng isang nagpositibo sa virus.
Sa gitna naman ng mga debate sa effectivity ng Ivermectin, iginiit ni Alejandria na hindi naman nila isinasara ang pintuan sa nasabing gamot.
Pero kailangan aniyang maunawaan ng publiko na wala pang sapat na ebidensya na talagang mabisa nga ang Ivermectin sa COVID 19.
Sa huli, ang publiko parin naman aniya ang magdedesisyon kung gagamitin ba ito o hindi.
Ayon sa Food and Drug Administration sa ngayon ay pinag- aaralan pa nila ang aplikasyon para sa Certificate of Product Registration ng Ivermectin para sa COVID- 19 habang may ilang ospital naman ang nabigyan ng compassionate use permit para magamit ang gamot na ito.
Madz Moratillo