Malakanyang hindi matiyak kung may umento sa sahod ng mga manggagawa bilang regalo sa Labor day
Tumanggi muna si Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na sabihin kung ano ang regalong puwedeng ibigay ng gobyerno sa mga manggagawa kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.
Sa Laging Handa public briefing sinabi ni Roque hindi niya alam kung wage o non wage benefits ang magiging regalo ng gobyerno sa mga manggagawa.
Ayon kay Roque abangan na lamang ang laman ng mensaheng ibibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang tugon ni Roque kasunod ng mga tanong mula sa sektor ng mga manggagawa kung meron bang umentong aasahan sa gitna ng pandemya ng COVID 19.
Una nang inaprubahan ng Inter Agency Task Force o IATF na mabigyan ng limang libong slots para sa bakuna ang mga manggagawa na kabilang sa A4 priority list sa gagawing symbolic vaccination sa mismong Labor Day.
Inihayag ng Malakanyang bahagi ito ng pagpupugay at pagkilala ng pamahalaan sa mga manggagawang pilipino sa bansa.
Vic Somintac