Nasa tao ang pagpili
Nagpabakuna na si Pangulong Duterte at si Health Secretary Francisco Duque III ang nagbakuna sa bahay Pagbabago, PSG Compound, Malakanyang Complex.
Ito umano ay may go signal ng duktor ng Pangulo. Sabi ng Pangulo ninais niyang magpa bakuna para maproteksyunan ang sarili at mahikayat ang taumbayan na magtiwala sa bakuna. Kaya lang ang mga kritiko ng Pangulo ay hindi pa rin tumitigil.
Ang ginamit na bakuna sa Pangulo ay Sinopharm gawa ng China. Ang ginamit na bakuna sa frontliners ay Sinovac gawa din sa China. Kaya itinatanong nila, bakit Sinopharm? What is so special about it?
Hanggang ngayon ay hindi pa nakabibili o nakakakuha ng Sinopharm vaccine ang gobyerno dahil wala pang application ng emergency use authorization o EUA.
Noong ginamit ng Presidential Security Group o PSG ang Sinopharm na ibinakuna sa kanila, inamin nilang puslit lamang ito. Pero, hindi na ito pinag usapan pa dahil sa maselang gampanin ng PSG para mabigyang proteksyon ang Presidente.
Sa paggamit ng Sinopharm na ibinakuna kay Pangulong Duterte, nagbigay ng compassionate use permit ang Food and Drug Administration o FDA. Nangangahulugan, kunsiderasyon lamang.
Naglalaro sa isip ng mga kritiko ng Pangulo, ano bang meron sa Sinopharm na hinintay pa ng Pangulo at siyang ginamit ng PSG?Pero alam ninyo mga ka isyu, ang mahalaga ay may bakunang dumarating at nagagamit.
Malapit na naman ang eleksyon kaya lahat ng isyu ay pwedeng gawan ng butas at pag-usapan. Dati, sabi nila nagpabakuna na daw ang Pangulo, ngayon naman bakit iba ang bakunang ginamit sa Pangulo?
E, nasa tao po yun. Sa mga hindi pa nababakunahan, at karapat dapat na kayo ay mabakunahan, huwag na kayong magdalawang-isip. Ang bakuna na ituturok o ibabakuna ay nakapasa sa FDA.
Huwag po kayong matakot. O mag ingat tayo at magandang araw sa inyong lahat!