Chinese Navy tutulong sa Indonesia sa pagpapalutang sa lumubog na submarine
JAKARTA, Indonesia (AFP) – Iniihayag ng Indonesian Navy, na dumating na sa Bali ang Chinese navy ships upang tumulong sa pagpapalutang sa isang submarine na lumubog noong isang buwan, na ikinasawi ng 53 crew.
Ang tulong ay dumating nang makaalis na ang foreign ships mula sa Australia, Singapore at Malaysia, matapos tulungan ang Indonesian authorities na mahanap ang lumubog na submarine.
Ang KRI Nanggala 402, isa sa limang submarino sa Indonesian fleet ay nawala noong isang buwan, habang naka-schedule na lumahok sa live torpedo training exercises.
Ang isang underwater rescue vehicle na mula sa Singapore ay nagbigay ng visual confirmation, na ang German-built sub ay nasa sea floor higit 800 metro o 2, 600 talampakang lalim, nahati sa tatlo at kinumpirma na wala nang pag-asang may makikita pang survivors.
Ayon sa Indonesian navy, dalawang Chinese salvage ships ang naka-standby sa katubigan ng Bali, at ang ikatlo ay inaasahang darating din ngayong Martes, habang ang Chinese Navy officials sa Bali ay tumutulong naman sa pagsusuri sa data na nakolekta sa submarino.
Lahat ng tatlong salvage ships ay kayang mag-dive ng hanggang 4,500 metrong lalim.
Pahayag pa ng Indonesian Navy, ang ambassador ng Beijing sa bansa ay nag-alok ng tulong kay Defence Minister Prabowo Subianto na malugod namang tinanggap ng Indonesian government.
Samantala, tutulong din sa salvage operations ang isang vessel mula sa upstream oil and gas regulator task force ng Indonesia, ang SKK Migas na ginagamit sa drilling operations. Mayroon itong crane na may kapasidad na 1,200 metriko tonelada.
Nitong nakalipas na linggo, sinabi ng Navy na ang high-powered magnets at air balloons ay kabilang sa posibleng opsyon para mai-ahon ang submarino. Isang undersea robot ang gagamitin din sa operasyon.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na paliwanag ang militar tungkol sa paglubog ng submarinong deka-dekada na ang edad, na idineliver sa Indonesia noong 1981.
@ agence france-presse