Pilot rollout ng Sputnik V, sinimulan na rin sa Parañaque City
Inumpisahan na ang trial run sa bansa ng Russian COVID-19 vaccine na Sputnik V.
Layon nito na ma-assess ang logistical capability ng bansa sa paghawak ng Sputnik V dahil ito ay nangangailangan ng -18 degrees Celsius storage temperature.
Isa sa anim na vaccination sites sa Metro Manila na pinagdausan ng inisyal na pagbabakuna ng Sputnik V ay sa isang mall sa Parañaque City.
Kasama ang Parañaque sa limang lungsod sa NCR na tumanggap ng 3,000 doses ng Sputnik V mula sa inisyal na 15,000 doses na dumating sa bansa.
Kabilang sa mga unang binakunahan ng Russian vaccine sa Parañaque ay ang mga healthcare workers, senior citizens, at ang may comorbidities sa lungsod.
Sinaksihan ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez ang paunang rollout sa Parañaque ng Gamaleya-developed vaccine.
Ikinatuwa at ikinagulat ng opisyal ang magandang pagtanggap ng mga taga- Parañaque sa Sputnik V.
Ayon kay Galvez, kabuuang 20 milyong doses ng Sputnik V ang inaasahang darating sa bansa ngayong taon.
Nasa 480,000 doses aniya nito ang inaasahan na maidi-deliver ngayong Mayo habang ang buong 10 milyong doses ay sa susunod na apat na buwan.
Humingi naman ng pangunawa si Galvez kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro matapos na hindi mabigyan ang lungsod ng inisyal na Sputnik V vaccines.
Aniya ikinonsidera nila ang kapasidad at training ng LGUs at ang napakalimitadong suplay ng bakuna.
Pero, tiniyak ng opisyal na mabibigyan na ang Marikina sa susunod na deliveries ng Russian vaccines at mas marami ang matatanggap nito na alokasyon.
Inihayag naman ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na tumaas ang kumpiyansa ng kanilang residente sa pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Mula aniya nang simulan ang COVID vaccination noong Marso ay nasa 35,000 na ang naturukan sa lungsod.
Moira Encina