Moderna vaccine , binigyan na ng FDA ng Emergency Use Authorization
Binigyan na rin ng Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration ang COVID 19 vaccine ng Moderna.
Ito ang inanunsyo ni FDA Director General Eric Domingo sa Kapihan sa Manila Bay news forum.
Ayon kay Domingo, batay sa kanilang ginawang pag-aaral ang Moderna COVID 19 vaccine ay mayroong efficacy rate na 94% .
Sa ginawang clinical trial, naging consistent rin aniya ito sa resulta na mas mataas sa efficacy rate na 80% sa lahat ng age group.
Ang Moderna vaccine ay maaaring iturok sa mga nasa edad 18 pataas.Ang mga naitala naman aniyang adverse events sa mga naturukan ng bakuna bakuna na ito ay kahalintulad lamang ng sa pangkaraniwang vaccine reactions.
Pero binabantayan aniya nila ang posibilidad ng allergic reaction.
Maliban sa Pilipinas, ang Moderna ay may EUA narin mula sa Estados Unidos, Europa, Israel, Singapore at iba pang bansa.Sa ngayon ay may 7 COVID 19 vaccine na ang nabigyan ng EUA dito sa bansa.
Ito ay ang mga bakuna ng Pfizer BioNtech, Astrazenaca, Sinovac, Gamaleya Research Institute, Bharat Biotech, Janssen at Moderna.
Muli namang nagpaalala si Domingo na ang EUA ay hindi nangangaulugan na maaari ng ibenta ang COVID 19 vaccine sa merkado.
Sa ngayon, ang gobyerno lamang aniya ang maaaring bumili ng mga bakuna na ito.
Madz Moratillo