Libu-libong capsules ng Ivermectin, nasabat ng Customs
Aabot sa 20,000 capsules ng anti-Parasitic drug na Ivermectin at iba pang regulated drugs na iligal na ipinuslit sa bansa ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs Port of NAIA.
Ayon sa BOC, ang mga ito ay mula sa New Delhi, India at idineklara bilang Food Supplements, Multivitamins at Multi-Mineral Capsules.
Para hindi mabuking, ang mga gamot ay itinago pa umano sa gitnang bahagi ng mga kargamento.
Pero nabuking matapos ang ginawang physical examination ng BOC.
Ang Ivermectin ay kontrobersyal ngayon dito sa bansa kasunod ng mga debate kung epektibo nga ba talaga ito sa COVID 19.
Sa kasalukuyan, ilang ospital na sa bansa ang nabigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng Compassionate Special permit para magamit ang Ivermectin sa kanilang COVID 19 patients.
Habang ang Department of Science and Technology (DOST) naman ay magsasagawa ng Clinical trial hinggil rito.
Madz Moratillo