PNP Change of Command, pinangunahan ni DILG Sec. Año
Pinangunahan ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang Change of Command sa Philippine National Police (PNP) at Retirement Ceremony para kay outgoing PNP Chief General Debold Sinas.
Ang seremonya ay ginaganap sa PNP Multi-Purpose center sa Camp Crame, Quezon city.
Pinalitan si Sinas ni Lt. General Guillermo Eleazar bilang ika-26 hepe ng Pambansang Pulisya at ika-anim na PNP Chief na nahirang ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Eleazar ay nagmula sa Philippine Military Academy (PMA) ‘Hinirang’ Class of 1987 at humawak na ng iba’t-ibang leadership position sa PNP organization sa loob ng mahigit 3 dekada.
Ginawaran si Eleazar ng first star bilang Police Chief Superintendent noong December 1, 2016 habang siya ay Quezon City Police District (QCPD) Director.
Nakilala siya sa pagtugis sa mga illegal drug personalities at pagbuwag sa mga sindikato ng droga.
Nakuha naman niya ang kaniyang second star bilang Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong 2018.
Sa kauna-unahang pagkakataon din ay kinilala ang NCRPO bilang “Best Police Regional office” sa panahon ng kaniyang pamumuno.
Na-promote naman si Eleazar sa ranggong Police Lieutenant General habang siya ay nagsisilbing PNP Chief ng Directorial Staff mula October 2019 hanggang January 2020.
Bago maitalaga bilang PNP Chief, hinawakan ni Eleazar ang ikalawang pinakamataas na posisyon sa PNP bilang Deputy Chief for Administration kasabay ng pagiging Commander ng PNP Administrative Support on COVID-19 Operations Task Force.