Pangulong Duterte, maaaring maharap umano sa Impeachment dahil sa pagpapabaya sa teritoryo ng Pilipinas
Maaari umanong maharap sa Impeachment case si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa tila pagpapabaya sa teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares, impeachable offense ang ginawa ng Pangulo na tila hinahayaan na makuha ng China ang teritoryo ng Pilipinas.
Dahil dito, maaaring kasuhan ang Pangulo ng paglabag sa Konstitusyon at Betrayal of Public Trust.
Pero nakadepende pa rin aniya ang kaso sa mamamayan at sa Kamara at Senado na hahawak sa kaso.
Bagamat sa susunod na taon maaari na aniyang mapalitan ang Pangulo sa eleksyon, sinabi ni Colmenares na may basehan na ngayon para gumawa pa ng aksyon laban sa Pangulo.
Giit nito hindi dapat gamitin ng Pangulo ang utang na loob sa China at ipagpalit ang teritoryo ng Pilipinas at mga yamang-dagat na para sa mga Filipino.
Ang grupo ni Colmenares at iba pang militanteng organisasyon ay nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng Chinese Embassy sa Makati city.
Kinondena nila ang patuloy na pagyurak ng China sa soberenya ng bansa sa pamamagitan ng patuloy na militarisasyon sa kabila ng mayroon nang final ruling hinggil dito ang International Arbitral Tribunal.
Meanne Corvera