Mag-ama na Most wanted person sa Tawi-Tawi, patay sa Police operation
Napatay sa anti-drug operation ng Tawi-Tawi PNP ang dalawa sa pinaka-pinaghahanap ng batas sa lalawigan.
Kinilala ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang mga suspect na sina Girang Lipae, na itinuturing bilang Top 5 Regional Most wanted person ng Police Regional office at anak nitong si Basil Lipae alyas Botchoy na itinuturing na Top 2 Most wanted person ng Languyan Municipal Police station.
Napatay ang dalawa sa isinagawang joint intelligence operation sa karagatan ng Barangay Sipangkot, Sitangkai, Tawi-Tawi.
Ang mag-ama ay may kasong Multiple Murder batay sa ipinalabas na Warrant of Arrest na inisyu ni Honorable Hakim Abdulwahid, Presiding Judge, RTC, 9th Judicial Region, Branch 5 ng Bongao, Tawi-Tawi.
Batay sa PNP reports, natunugan ng mga suspect ang pagdating ng mga tropa ng Gobyerno kaya nagpaputok ang mga ito.
Gumanti naman ng putok ang mga otoridad at tumagal ng limang minuto ang engkuwentro hanggang sa mapatay ang mga suspect.
Napatay din sa operasyon ang isang babaeng kasama ng mga suspect na hindi pinangalanan ng pulisya.
Narekober sa mga suspect ang isang M1 Garand, isang Caliber 38 pistol, isang Caliber 7.62 rifle, 19 piraso ng Cal. 7.62 live ammunitions at tatlong piraso ng Cal. 38 ammunition.
Batay sa imbestigasyon, ang mga suspect ay mga notorious personalities sa lalawigan at sangkot sa pagpasok ng mga iligal na droga sa Tawi-Tawi mula sa Sabah, Malaysia.
May mga ulat din ng pang-aabuso ang mga suspect kung saan tinatakot nito ang kanilang mga kapitbahay at kinukuha ng sapilitan ang kanilang mga pananim at iba pang ikinabubuhay.