Anti- Terrorism Council, ilalathala sa Huwebes ang listahan ng mga indibidwal na itinuturing na terorista
Inanunsyo ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa oral arguments ng Korte Suprema na ilalabas ng Anti-Terrorism Council (ATC) sa Huwebes ang listahan nito ng mga indibidwal na itinuturing na terorista.
Sa pagpapatuloy ng oral arguments sa mga petisyon kontra Anti- Terrorism law, inihayag ni Esperon sa interpelasyon sa kanya ni Justice Rosmari Carandang na ilalathala sa mga pahayagan sa Huwebes ang designasyon ng ilang indibidwal bilang terorista.
Ayon kay Esperon, may resolusyon na ang ATC na nagdi-designate sa ilang indibidwal na konektado sa CPP- NPA.
Tumanggi si Esperon na banggitin sa oral arguments ang mga nasabing indibidwal hanggang sa hindi ito pormal na nailalathala.
Ipagpapatuloy sa susunod na Lunes, Mayo 17 ng Korte Suprema ang pagtatanong kina Esperon at sa Office of the Solicitor General.
Bilang pag-iingat sa COVID-19, isasagawa pa rin ang oral arguments sa pamamagitan ng videoconferencing.
Moira Encina