May bagyo sa Mindanao habang maalinsangan sa Metro Manila
Makakaranas ng malalakas na pag-ulan ang malaking bahagi ng Mindanao ngayong hapon hanggang bukas dahil sa nabuong bagyo na pinangalanang Crising.
Dahil sa bagyo, itinaas na ng DOST-PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal number 1 sa mga sumusunod na lugar:
Surigao del Sur, Agusan del Sur, Davao Oriental, Davao de Oro, Davao del Norte, at Davao City.
Mararanasan sa mga nasabing lugar ang lakas ng hanging aabot sa 30-60 km/h sa susunod na 36 na oras, na walang gaanong inaasahang idudulot na malaking pinsala.
Ang Tropical Depression Crising ay huling namataan kaninang umaga sa layong 405 km East of Davao City na may taglay na lakas ng hangin na 45 km/h hanggang 55 km/h. Kumikilos ito sa direksyong pakanluran sa bilis na 10 km/h.
Samantala, asahan naman ang mainit na panahon sa Metro Manila na aabot sa 34 degrees Celsius, habang sa Tuguegarao naman ay aabot ang temperatura sa 38 degrees celsius.