Israeli gov’t tiniyak na gagawin ang lahat para maproteksyunan din ang OFWs at iba pang Pinoy doon
Nanawagan ang Embahada ng Israel sa Pilipinas sa mga OFWs na nasa Israel na pakinggan nang mabuti ang lahat ng mga safety instruction at sundin ang mga direktiba ng Israeli security forces para sa kanilang kaligtasan.
Ito ay sa harap ng patuloy na kaguluhan at karahasan na nagaganap sa Jerusalem, Gaza, at iba pang parte ng Israel.
Ayon sa Israel Embassy, may pananagutan ang Israeli government na protektahan ang mga mamamayan nito at maging ang mga non-citizens.
Kabilang na rito ang nasa 30,000 OFWs, estudyante, at diplomats na nasa Israel.
Sinabi ng embahaha na napatunayan na ang pagsunod sa direktiba ng Israeli Defense Forces ay nakapagliligtas ng mga buhay.
Binigyang-diin ng Israel Embassy na hindi papayag ang Israeli forces na aatakihin ng mga terror groups ang mga sibilyan nang hindi ito tutugon.
Anila ‘sacred duty’ ito ng alinmang sovereign nation at responsibilidad ito ng Israel sa kanilang mga mamamayan.
Kasabay nito, umapela ang Israel Embassy sa international community na kondenahin at hilingin sa Palestinians na itigil ang pagpapaulan nito ng mga rocket at iba pang karahasan at terror acts laban sa mga Israeli civilians.
Isinisisi ng Israel ang nagaganap na kaguluhan sa Hamas militia, Palestinian Islamic Jihad at iba pang terror supporters.
Moira Encina