Mga partido sa Anti- Terror law petitions, binigyan ng 30 araw ng SC para magsumite ng memoranda
May 30 araw ang mga partido sa Anti-Terrorism law petitions para ihain sa Korte Suprema ang kani-kanilang memoranda.
Sa pagtatapos ng oral arguments ng Supreme Court sa isyu sa Anti- Terror Act (ATA), inatasan ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang mga petitioners at respondents na magsumite ng memorandum sa loob ng 30 araw mula nang matanggap ang abiso.
Ipadadala ng SC sa pamamagitan ng email sa mga partido ang mga resolusyon nito na naglalaman ng mga karagdagang isyu o katanungan na kailangang sagutin sa kanilang isusumiteng memoranda.
Kabilang na rito ang iba pang katanungan ng mga justices para kay National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon Jr.
Sasalang pa sana sa interpelasyon ng mga mahistrado si Esperon noong Lunes pero nagpasya ang SC na huwag nang paharapin ang opisyal.
Bagamat may 37 petition laban sa ATA ay anim na memoranda lamang mula sa petitioners ang ipinasusumite ng Korte Suprema.
Ito ay batay sa anim na clustered issues sa petisyon na una nang napagkasunduan ng mga petitioners sa ginawang pagprisinta ng kanilang argumento sa oral arguments.
Moira Encina