Gastos ng pamahalaan sa laban sa COVID-19 kulang – kulang isang trilyong piso na – PRRD
Lumobo na sa kulang-kulang isang trilyong piso ang nagagastos ng pamahalaan sa laban sa pandemya ng COVID-19.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaki na ang nagugugol ng gobyerno sa pagharap sa problemang dulot ng pandemya.
Ayon sa Pangulo maliban sa pondong inutang sa pagbili ng anti COVID-19 vaccine malaking halaga din ng pera ang ginagamit ng pamahalaan sa pagpapatayo ng mga impra-istraktura para sa rehabilitation at isolation facilities.
Inihayag ng Pangulo na kung mauubos na ang budget ng pamahalaan ay mapipilitang magbenta ng mga ari-arian ng gobyerno para patuloy na matustusan ang pangangailangan sa paglaban sa COVID-19.
Nagbabala ang Pangulo na lalo pang tatagal ang laban ng pamahalaan sa COVID-19 kapag patuloy na hindi susunod ang publiko sa ipinatutupad na standard health protocol dahil sa pagpasok sa bansa ng mga bagong variant ng corona virus.
Ginawang halimbawa ng Pangulo ang nangyayari ngayon sa Taiwan na matapos matagumpay na makontrol ay muling napasok ng COVID- 19 na hindi malayong mangyari sa Pilipinas kaya kailangang magkaroon ng re-calibration sa mga estratihiya na ipinatutupad para makontrol ang pandemya maliban sa mass vaccination rollout program.
Vic Somintac