DTI at US gov’t lumagda ng kasunduan para sa biz training sa mga Pinoy out-of-school youth
Nagsanib-pwersa ang Department of Trade and Industry (DTI) at US Agency for International Development (USAID) sa pagpapalakas sa entrepreneurship training program para sa mga out-of-school na kabataan.
Sa ilalim ng partnership ay isasama sa Youth Entrepreneurship Program ng DTI ang Opportunity 2.0 Be Your Own Boss curriculum ng USAID.
Ayon sa US Embassy, ang nasabing curriculum ay innovative approach upang ma-develop ang business planning at management skills ng mga kabataan, at maging ang kanilang mindset para maging matagumpay na negosyante.
Sinabi ni USAID Philippines Acting Mission Director Sean Callahan na may pangangailangan para palakasin ang second-chance education at training systems na makatutulong sa out-of-school youths na makaagapay sa mga hamon dala ng pandemya.
Ilulunsad ang pilot program sa Angeles City, Valenzuela City, Quezon City, Legazpi City, Cebu City, Tagbilaran City, Davao City, General Santos City, Cotabato City, Cagayan De Oro City, Isabela City, at Zamboanga City
Makikinabang sa proyekto ang mga naka- enroll sa Alternative Learning System ng DepEd at sa technical-vocational skills training ng TESDA.
Binigyang- diin naman ni Trade Secretary Ramon Lopez na mahalaga ang papel ng mga kabataan sa business industry sa bansa at dapat silang mabigyan ng socioeconomic opportunities lalo na sa panahon ng krisis.
Moira Encina