Hindi pagbubunyag ng brand ng anti COVID-19 vaccine na gagamitin walang lalabaging batas – Malakanyang
Walang legal issue sa pagbabawal na ibunyag ang brand ng anti COVID 19 vaccine na gagamitin sa mga vaccination sites.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi malalabag ang alituntunin sa freedom of information at freedom of choice ng bawat indibiduwal dahil lahat ng anti COVID-19 vaccine ay pare-parehong mabisa batay sa ginawang pagsusuri ng mga health experts at Food and Drug Administration o FDA.
Ayon kay Roque hindi dapat na mamili ng brand ng bakuna ang publiko dahil hindi malalagay sa peligro ang kanilang kalusugan sa mga ginagamit na bakuna laban sa COVID -19 dahil ang mga ito ay garantisadong mabisa at ligtas.
Inihayag ni Roque na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na huwag ibunyag ang brand ng bakuna na gagamitin sa mga vaccination sites upang maiwasan ang pagdagsa ng tao tulad ng nangyari sa isang Mall sa Parañaque nang malamang Pfizer ang gagamiting bakuna.
Kaugnay nito ipinag-utos din ng Pangulo sa Department of Health na ipamahagi sa mga vaccination sites sa mga Barangay ang bakunang Pfizer at huwag sa mga Malls para direktang pakinabangan ng mga mahihirap na mamamayan alinsunod sa guidelines ng COVAX facility ng World Health Organization o WHO.
Vic Somintac