Panawagang magtambal sina PRRD at VP Robredo sa isang Covid Awareness infomercial, hindi pa masagot ng Malakanyang
Hindi nagbigay ng malinaw na sagot ang Malakanyang kung payag ba si Pangulong Rodrigo Duterte sa panawagang makatambal si Vice President Leni Robredo para gumawa ng anti COVID 19 vaccine awareness infomercial.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque kailangang malaman muna ng Malakanyang ang posisyon ni Vice President Robredo sa mga bakunang ginagamit ng pamahalaan para sa isinasagawang mass vaccination program.
Ayon kay Roque mayroong naunang pahayag si Robredo na kinukuwestiyon niya ang paggamit ng gobyerno sa mga anti-COVID 19 vaccine na gawa ng China dahil hinahaluan ito ng pulitika sa isyu sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Batay sa report mayroong grupo na nananawagan na magsama kahit man lang sa anti COVID 19 vaccine awareness infomercial sina Pangulong Duterte at VP Robredo para mahikayat ang publiko na magpabakuna dahil mababa pa rin ang pagtanggap ng taongbayan sa bakuna.
Si Pangulong Duterte ay nabakunahan na ng unang dose ng Sinopharm anti COVID 19 vaccine na gawa ng China samantalang si VP Robredo ay nabakunahan narin ng unang dose ng AstraZeneca na gawa ng United Kingdom.
Vic Somintac