Guevarra: Pilipinas at China magpupulong ukol sa kompensasyon ng mga mangingisda ng FB Gem-Ver
Pangungunahan ng DOJ ang delegasyon ng Pilipinas sa pakikipag-pulong sa China kaugnay sa kompensasyon ng mga Pinoy fishermen ng lumubog na FB Gem-Ver.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na itinakda sa June 2 at 7 ang pulong ng Pilipinas at Tsina.
Aniya kasama ng DOJ sa grupo na haharap sa Chinese counterpart ang DFA, DA, at BFAR.
Ayon sa kalihim, natalakay noong nakaraang Biyernes sa ika-anim na consultative meeting sa pagitan ng Pilipinas at Tsina ang ukol sa kompensasyon ng mga crew ng Gem-Ver.
Iginiit ni Guevarra na tatapusin na nila ang nasabing “festering issue” ng bayad sa mga Pinoy na mangingisda.
Binigyang-diin ni Guevarra na mahalaga na marekober nang buo ng mga mangingisda ang lahat ng kanilang ginastos para sa pagpapakumpuni ng fishing boat at ang nawalang kita sa kanila habang isinasaayos ang Gem-Ver.
Ang Pinoy fishing boat ay lumubog matapos na mabangga ng isang Chinese vessel noong madaling araw ng June 9, 2019 malapit sa Recto Bank.
Iniwan ng Chinese vessel sa karagatan ang mga Pinoy na mangingisda ng Gem-Ver at nasagip lang nang may dumaan na Vietnamese vessel.
Noong nakaraang taon, isinumite ng DOJ sa DFA ang estimate na kompensasyon para sa Pinoy crew at owner ng Gem-Ver na Php12 million.
Moira Encina