DOJ binigyan na ng access ng PNP sa case records ng drug war deaths
Lalagda ng kasunduan ang DOJ at PNP para sa aktibong kolaborasyon sa pag-iimbestiga sa mga sinasabing kaso ng extra-judicial killings (EJK) at pag-rebyu sa anti-illegal drugs operations ng pulisya na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, tinalakay ang nasabing dalawang isyu sa kanyang pakikipag-pulong kay bagong PNP Chief Guillermo Eleazar noong nakaraang Biyernes, May 21.
Para kay Guevarra, napakahalaga at “crucial” ang nasabing pulong niya kay Eleazar.
Aniya ipinahayag ni Eleazar ang kanaisan nito na makipag-tulungan sa DOJ para matanggal o madisiplina ang mga tiwali sa hanay ng PNP at maiangat ang reputasyon ng mga pulis bilang taga-protekta ng mga tao.
Sinabi pa ni Guevarra na pumayag si Eleazar na i-access ng DOJ ang records ng 61 kaso ng tauhan ng PNP na may nakitang kriminal at administratibong pananagutan.
Ang mga naturang kaso sa mga pulis aniya ay mga drug war- related death.
Sa mga nakalipas na taon aniya ay nahirapan ang DOJ sa pagrebyu sa mga nasabing kaso dahil hindi nabigyan ang kagawaran ng access sa mga case records.
Noong Hunyo ng nakaraang taon ay bumuo ng Inter-Agency Review Panel na pinangunahan ng DOJ na nag-rebyu sa mga kaso ng anti-illegal drugs operations na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Batay sa inisyal na rebyu ng DOJ, hindi nasunod ng mga pulis ang mga standard protocol sa mga operasyon nito kontra iligal na droga.
Moira Encina