Herd immunity sa COVID-19, target ng Malakanyang na makamit ngayong Nobyembre sa NCR plus
Hangad ng Malakanyang na pagsapit ng buwan ng Nobyembre ngayong taon ay makuha na ang herd immunity sa COVID-19 sa National Capital Region o NCR plus na kinabibilangan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag set ng time table.
Ayon kay Roque kung hindi magkakaaberya ang pagdating sa bansa ng supply ng mga bakuna kayang maabot ang 70 percent ng populasyon ng NCR plus na mabakunahan upang makamit ang herd immunity para makontrol na ang pandemya ng COVID- 19.
Inihayag ni Roque maganda ang takbo ng pagdating ng mga bakuna lalo na sa pagpasok ng buwan ng Hunyo dahil milyong milyong doses na ng anti COVID-19 vaccine ang magagamit sa vaccination program ng pamahalaan.
Muling umapela ang Malakanyang sa publiko na huwag ng magdalawang isip na magpabakuna laban sa COVID- 19 para mabilis na masugpo ang paglaganap pa ng COVID- 19 sa bansa.
Vic Somintac