IBP hinikayat ang pamahalaan na igiit ang rule of law at interes ng bansa sa WPS
Hinimok ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang gobyerno na i-uphold ang rule of law at interes ng bansa sa West Philippine Sea.
Sa statement ng IBP, sinabi ng grupo na dapat igiit ng ehekutibo, lehislatura, hudikatura, militar, constitutional commissions at LGUs ang legal declarations sa arbitral award noong 2016.
Nakasaad anila sa nasabing ruling na ilang ulit na nilabag ng China ang exclusive sovereign rights ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone (EEZ) nito.
Ayon pa sa IBP, dapat linawin ng pamahalaan na hindi lamang piraso ng papel na maaaring itapon sa basurahan ang arbitral award.
Nanawagan din ang IBP na linawin ng bansa na hindi maaaring mangisda sa Philippine EEZ ang mga Tsino at iba pang dayuhan, at ito ay eksklusibo lamang sa mga Pilipino.
Sinabi pa ng lawyers’ organization na dapat ihayag ng pamahalaan na anumang pisikal na pag-angkin ng Tsina sa EEZ ng Pilipinas ay labag sa batas.
Ang statement na inilabas ng IBP ay pirmado ng Board of Governors noong Mayo 24.
Moira Encina