Ika-123 taon ng Philippine National Flag day, ginunita sa Imus, Cavite
Ginunita sa Imus Heritage Park nitong Biyernes, ang ika-123 taon ng Pambansang Araw ng Watawat ng Pilipinas.
Pinangunahan ito ni Imus City Mayor Emmanuel Maliksi, kasama ang mga piling ahensya at lokal na pamahalaan ng lungsod.
Muling sinariwa ang kahalagahan at pagtatagumpay ng mga bayani, sa makasaysayang Labanan sa Alapan noong May 28, 1898.
Dito nagpasimula ang sunud-sunod na pagtatagumpay ng mga Pilipino laban sa mga Kastila.
Sa lugar na ito unang iwinagayway ni Gen. Emilio Aguinaldo ang watawat na sumisimbolo sa kalayaan, katapangan, at pagmamahal sa bayan.
Ayon kay Mayor Maliksi, isang karangalan ang maging isang Pilipino lalo na ang maging Imuseño, dahil sa bayang ito nag-ugat ang kasarinlan ng bansa.
Samantala, patuloy na pinauunlad at isinasa-ayos ang liwasan, kung saan magkakaroon na ito ng Amphitheatre na may seating capacity na 1,440 para sa mga aktibidad ng lungsod.
Katulong ang puno ng mga kagawaran, isang pledge of commitment ang nilagdaan para sa buong suporta sa preserbasyon, promosyon ng makulay na kultura at mayamang kasaysayan ng Imus.
Ginawaran rin ng Triple Platinum Award ng Manila Bay Clean-Up Rehabilitation and Preservation Program ang Imus City, para sa LGU Compliance Assessment for 2018, 2019, and 2020.
Ulat ni Katherine Reus