Media frontliners na naapektuhan ng pandemya, nilingap ng Iglesia ni Cristo
Ang mga taga media ang isa sa mga sektor na itinuturing na frontliner ngayong may COVID-19 pandemic.
Hindi man naka-PPE tulad ng mga doktor, at medical frontliners, mahirap din ang ginagampanang papel ng mga mamahayag sa pagkalap ng mga impormasyon para maibahagi sa publiko.
Pero ang mga taga media ay matindi ring hinagupit ng pandemya.
Isa na rito ang nasa entertainment at movie industry.
Sinabi ni Phil. Movie Press Club (PMPC) President Roldan Castro . . . ” Malaki ang epekto at kawalan sa mga movie press na naapektuhahan ang kita. Sana bumalik na ang mga live show, walang masyadong maisusulat kung walang gathering, mga sinehan sarado, mga producer naapektuhan hanggang sa movie at enterrainment press.”
Marami rin sa mga taga media nawalan ng trabaho nang magsimula ang pandemya
Ayon kay PCOO Usec. Joel Egco . . . “Maraming nawalan ng trabaho sa kabila ng katotohanan na frontliners ang media. Napakasakit, frontliners ang media and yet karamihan o most media workers, sila ang walang PPE, walang pambili ng gamot.”
Aminado ang National Press Club (NPC), na hirap din silang suportahan ang kanilang mga miyembro na nawalan ng trabaho at tinamaan ng pandemya.
Isang taon na raw kasi mula nang manalasa ang pandemya.
Sinabi ni NPC President Paul Guttierez . . . “Medyo nahihilo na kami pano susuportahan ang mga miyembro. Naglunsad ng apat na ayuda this year pero nahihirapan na. Ang problema natin walang umaasa na ganitong katagal mararamdaman. Donors’ fatigue. Let’s face it maski sila nauubusan na.”
Ito ang dahilan kaya kahit ang mga media ay nilingap ng Iglesia ni Cristo.
Ang mga miyembro ng NPC, PMPC, CAMANAVA Press Corp., Quezon City Press Club, at iba pang asosasyon ng media ay binigyan ng ayuda sa atas ng Tagapamahalang Pangkalahatan na si kapatid na Eduardo V. Manalo.
Aabot sa mahigit isang libong taga media ang nakatanggap ng bigas, delata, facemasks, vitamins, alcohol at iba pang magagamit sa pang araw-araw.
Nagpasalamat naman sila sa Iglesia ni Cristo dahil walang pinipiling sektor para tulungan sa panahon ng pandemya at mga kalamidad.
Ayon kay CAMANAVA Press Corps President Arlie Calalo, “I’ll take this opportunity para magpasalamat sa INC sa lingap na ginawa to CAMANAVA Press Corps. Napakalaking pasalamat dahil sa pandemyang nararanasang ganito, may tumutulong sa amin. Medyo nakalimutan ang media. Naging mahirap para sa amin lalo pangkabuhayan. Maraming miyembro nalimitahan, nandun lang sa bahay halos jobless din. Malaking bagay ito, very thankful kami sa ganitong initiative ng INC. Malaking bagay ang maibsan ang kakulangan sa pagkain ng ilang miyembro.”
“Gusto kong magpasalamat kay ka Eduardo Manalo sa PMPC Lingap sa media frontliner at sa lahat ng kapatid natin”, pahayag naman ni PMPC President Roldan Castro
“Sa pangalan ng National Press Club, kami’y muling nagpapasalamat sa kapatiran ng Iglesia sa Lingap sa Mamamayan project sa isa sa vulnerable sector ng lipunan, timely ang ayuda sa media”, ayon kay NPC President Paul Guttierez
Samantala, binigyan ng Certificate of Appreciation ng NPC ang Iglesia ni Cristo bilang pagkilala sa ginagawang paglingap hindi lang sa media kundi sa lahat ng sektor.
Kasama sa mga nabigyan ng ayuda ang mga nasa Eagle Broadcasting Corporation.
‘Nagpapasalamat po tayo kay Kapatid na Eduardo V. Manalo dahil maging tayo sa Eagle ay kasama sa pinagkalooban na mga kagawad ng media. Ito ay nagpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit sa lahat ng sektor ng lipunan”, pahayag ni EBC President Rowena Deimoy
Meanne Corvera